P20-B KIKITAIN SA RICE TARRIFS

DINEPENSAHAN ni Agriculture Sec. Manny Piñol ang isinusulong na Rice Tariffication Act ng ­Duterte administration sa gitna ng pag-dinig para sa P49.8-B  budget ng ahensiya.

Ayon kay Piñol, abot sa P20 billion ang ­maaaring kitain ng pamahalaan mula sa pagpapataw ng buwis sa rice imports.

Sinabi ng kalihim na ang kita mula sa buwis sa rice imports ay makatutulong sa mga magsasaka para makabili ng magandang binhi at madoble ang kanilang mga ani.

Dagdag pa ni Piñol, kaya rin mahina ang local rice ay dahil hindi maganda ang binhi ng bigas na napo-produce sa bansa pero kung may kikitain mu-la sa rice tariffication ay makabibili na ng magandang binhi ang mga magsasaka at tiyak na ito na ang tatangkilikin ng mga mamimili.

Sa oras na maipatupad ito ay tatanggalin ang limit sa rice imports pero papatawan naman ito ng taripa.

Pero ikinadismaya naman ni Butil partylist Rep. Cecilia Chavez ang pagbabago sa polisiya ng DA kung saan ang subsidiya ng gobyerno sa mga magsasaka ay ginawang pautang ng ahensiya sa mga local farmer.

Katuwiran dito ni Piñol, hindi kakayanin ng gobyerno na i-subsidize ang lahat ng pangangaila­ngan ng mga magsasaka kaya minabuting bigyan na lamang ng mababang interes na pautang ang mga magsasaka na ­maaaring ipambili ng mga binhi, pataba o kung anumang kailangan ng mga ito. CONDE BATAC

Comments are closed.