P20-M GARANTISADO SA ASIAN POKER TILT

NAKATAYA ang garantisadong P20 milyong premyo sa local poker enthusiats at ang pagkakataon na makaharap ang ilan sa pinakamahuhusay na poker professional players sa bansa sa gaganaping Asian Poker Championship main draw sa Hunyo 6-12 sa Metro Card Club sa Metrowalk, Pasig City.

Inanunsiyo ni Marc Rivera, miyembro ng organizing MCC at maituturing na isa sa pinakamatagumpay na Pinoy poker player sa bansa, ang pinakahihintay na pagtulak ng APC tournament na bahagi ng programa para maiangat ang poker bilang isang mind game sports at mabigyan ng pagkakataon ang local players na makamit ang prestihiyosong karangalan at premyong tiyak na makapagpapabago sa kanilang buhay.

“We’re inviting our local poker enthusiats, those regular MCC players to join the Championship. This is your chance to further level up your skills and in the same time take the challenge of winning the million prizes,” pahayag ni Rivera sa kanyang pagdalo sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.

Iginiit naman ni Mylene Advincula, MCC General Manager, na handa na ang MCC para sa malaking torneo na tulad ng APC, gayundin sa ipinatutupad na safety and heaelth protocol batay sa panuntunan ng lokal na pamahalaan ng Pasig at ng Inter-Agency Task Force.

“Hindi na bago para sa amin ang maging host ng malalaking international tournaments na tulad nito. Our staff and personnel are all trained under all circumtances and pagdating naman sa safety ng mga player, ever since na nagbalik kami sa face-to-face talagang mahigpit kami para sa kalusugan ng mga player,” sabi ni Advincula sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.

“We do require pre-vaccinated players, aside from that safety precaution, we put up wash up area and we provided alcohol to every player in the table. At siyempre, laging may face mask. Those were few things na ginagawa namin sa MCC,” ayon pa kay Advincula.

Inamin ni Rivera na mabigat at kailangan ang sakripisyo para maisulong ang isang torneo na tulad nito, subalit bilang isang poker player na rin, kaakibat ang lakas ng loob at tiwala na malalagpasan ang lahat ng hamon.

“We need 500 players para walang problema sa guaranteed pot prize. But kung hindi maabot, ‘yun ang isa sa responsibilidad ng host ng grupo ni Mylene ‘yung mag-abono,” pabirong pahayag ni Rivera.

Ngunit dahil sa pakikipagtambalan ng APC sa Korean Mind Game Members (KMGM), sinabi ni Rivera na mahigit 200 Korean players ang inaasahang darating sa bansa para makilahok sa torneo na nakatakdang simulan sa Linggo, Hunyo 6, alas-6 ng gabi.

“Sa Korea kasi, unlike sa atin, bawal ang cash game. Kaya ang ating mga kaibigan sa Korea ay nagbuo ng grupo at nagho-host ng mga tournament kung saan ang premyo ay tiket para makalaro sa tournament natin sa APC,” ani Rivera.

Kabilang sa Pinoy poker stars na tiyak na makakaharap ng Korean delegation sina APC reigning champion Noel ‘The Kid’ Araniel, dating billiard player at unang Pinoy na nagwagi ng WSOP barecelt na si Mike Takayama, Lester Edoc, Jojo Tech at ang iba pang miyembro ng Metro Peo team.

-EDWIN ROLLON