P20-M PINSALA SA AGRI NG BULUSAN ERUPTION

TINATAYANG aabot sa P20,285,000 ang pinsala sa agrikultura ng pagputok ng Bulusan Volcano, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“May estimated initial assessment po tayo na P20,285,000 worth of damages to rice and high value crops doon po sa area, pati na rin po sa livestock, poultry dahil po dito sa ashfall,” pahayag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa isang public briefing.

Ayon sa NDRRMC, ang ayuda ng Department of Agriculture ( DA) sa mga magsasaka ay ibabase sa final assessment ng ahensiya.

“Nagkaroon po sila (DA) ng pag-imbentaryo po ng kanilang mga supply po doon for both crops and livestock na pwede po nilang pagbigay suporta doon sa ating mga magsasaka,” ani Timbal.

Idinagdag niya na nakapagtayo na rin ng animal evacuation centers para sa livestock.

Noong Lunes ay pinayuhan ng DA ang lahat ng inilikas na magsasaka at mangingisda na huwag bumalik sa danger zones para sa kanilang mga lupa, pananim at livestock hanggang hindi sinasabi ng mga awtoridad.

“As of this day po, medyo mapayapa naman ang bulkan at wala naman pong naganap na major eruption activity kagaya nung Sunday. Ang babala po ng ating mga siyentipiko ay tuloy-tuloy po itong babantayan while under Alert Level 1,” sabi pa ni Timbal.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa four-kilometer permanent danger zone at kailangan ang pagbabantay sa extended two-kilometer danger zone.

Naunang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na posibleng muling pumutok ang bulkan ngunit walang katiyakan ang pagitan.