UMAASA pa rin ang Alliance of Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na mas malaki sa P20 ang ibibigay na umento sa sahod ng National Wage Board para sa mga manggagawa sa Metro Manila,
Ayon kay Allan Tanjusay, spokesman ng ALU-TUCP, napakalayo naman ng P20 sa P320 na laman ng kanilang petisyon sa Wage Board.
Sinabi ni Tanjusay na mayroon naman silang kinatawan sa mga pagdinig ng Wage Board subalit sadyang malakas ang pagtutol at pagla-lobby na ginagawa ng mga employer.
Iginiit ni Tanjusay na batay sa kanilang pag-aaral ay mangangailangan ng mahigit sa P800 sahod ang isang manggagawa upang mabuhay nang maayos.
“Lalong magiging irrelevant ang Wage Board kapag ang inilabas ay P20, dahil sa panahon na ito ‘yung 20 pesos na dagdag sahod imbes na matutuwa ka, magagalit ka pa e, ang sasabihin ng mga manggagawa ito ba ang ginagawa ng gobyerno e nagtaasan na nga lahat ng presyo ng bilihin at serbisyo tapos 20 pesos lang ibibigay ninyo, e talagang magagalit ang mga kababayan natin,” ani Tanjusay.
Batay sa ginagawang monitoring ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 70 hanggang 75 porsiyento lamang ang nakakasunod sa wage order.
“Napakaliit na nga nang ibinibigay ng Wage Board e napakarami pang hindi sumusunod at hindi nagko-comply, 1989 nang itinatag ang batas ng minimum wage hanggang sa araw na ito walang kinasuhan, walang nakulong,” dagdag ni Tanjusay. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.