P200-B SA ROAD USERS’ TAX

Joey Salceda

TARGET ng pamahalaan na makalikom ng bilyon-bilyong pisong kita mula sa  Motor Vehicle Road Users’ Tax o mas kilala na road user’s tax makaraang  makalusot sa ikalawang pagbasa ang panukalang taasan ito.

Ayon kay House Ways and Means Committee Chair at Albay Rep. Joey Salceda, sa House Bill 6136 ay kikita ang pamahalaan ng tinatayang P200 billion mula 2020 hanggang 2024.

Mapupunta ang malaking bahagi ng kikitain sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Sa ilalim ng panukala, ang road users’ tax ay magiging P2,080 sa 2020; P2,560 sa 2021 at P3,040 sa 2022 para sa passenger cars na may gross vehicle weight (GVW) na hanggang 1,600 kilograms (kg).

Para naman sa mga passenger car na may GVW na mas mataas sa 1,600 kg pero hindi lalagpas sa 2,300 kg ay kaila­ngang magbayad ng buwis na P4,680 sa 2020; P5,760 sa 2021 at P6,840 sa 2022, habang kapag ang GVW na mas mataas sa 2,300 kg ay magiging P10,400 sa 2020, P12,800 sa 2021 at P15,200 sa 2022.

Sa taong 2020 ay magbabayad ng P1.40 unitary tax per kilogram ng GVW ang utility vehicles, sports utility vehicles, buses, trucks at trailers; P2.50 per kilogram sa 2021 at P3.40 per kilogram sa 2022.

Mula naman sa January 2023, ang road u­sers’ tax ay tataas ng 5% bawat taon.

Sinabi ni Salceda na progressive ang pagpapatupad ng batas dahil ang mga mayayaman ang direktang tatamaan at ang mahihirap naman ang makikinabang.

Dagdag pa ng mambabatas, ang kasalukuyang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) rates ay hindi tumaas simula noong 2004. CONDE BATAC