P200-B SAVINGS SA 2018 NAT’L BUDGET MAAARING MAGAMIT NG DUTERTE ADMIN

budget-4

NASA tinatayang P200 bilyong savings mula sa national budget noong nakaraang taon ang maaaring magamit agad ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para pondohan at maipatupad ang iba’t ibang mahahalagang programa at proyekto nito.

Ito ang inihayag ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr. matapos na lagdaan ni Presidente Duterte ang Joint Resolution no. 3, na nagpapahaba sa buhay ng P3.767 trillion General Appropriations Act (GAA) of 2018 hanggang sa Disyembre 31, 2019 at nagbabasura sa cash-base budgeting system na isinusulong ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Paliwanag ni Andaya, sa paglagda ng Pangulo sa nasabing joint resolution, magiging dalawa na ang maaaring mapagkunan ng pondo ng pamahalaan para ngayong taon.

Una na rito ang aabot sa P200 billion na naging savings mula sa GAA 2018 at pangalawa ay ang hinihintay na maaprubabahan na P3.757 trillion proposed 2019 national budget.

Ayon kay Andaya, malugod silang nagpapasalamat at pinapupurihan si Pangulong Duterte sa paglagda sa Joint Resolution no. 3, na nangangahulugan din ng pagpanig nito sa posisyon ng mga mambababatas na mas mainam na isa­santabi muna ang pagpapatupad ng ‘cash-base system’ ng Department of Budget and Management (DBM). “We laud the President for this decision. We, in the House of Representatives, firmly believe that the implementation of the cash-budgeting system is premature. Government agencies have yet to fully grasp the mechanics of implementing such a system,” sabi pa ng Kongresista. ROMER R. BUTUYAN

2 thoughts on “P200-B SAVINGS SA 2018 NAT’L BUDGET MAAARING MAGAMIT NG DUTERTE ADMIN”

Comments are closed.