BULACAN- NAGLABAS ng P200K reward ang pamahalaang lungsod ng Malolos para sa ikadarakip ng lalaking sumaksak at nakapatay sa isang person with disability (PWD) nito lamang Enero 1.
Sa report na tinanggap ni PNP Provincial Director Col.Relly Arnedo, kinilala ang suspek na si Joshua Paul Magsakay alyas Instik, residente ng Brgy, Anilao, miyembro ng Malolos Bad Child habang pinaghahanap din ang kasamahan nito na si alyas Aljay.
Matatandaang ang grupo ng Malolos Bad Child (MBC) ang nasa likod ng kasong pagpatay sa biktimang si Christopher Velasco, nasa hustong gulang, isang PWD na naganap nitong nakaraang Linggo.
Nabatid na anim na sa mga suspek ang nahuli na nang mga awtoridad.
Kasunod nito, ipinag utos ni City Mayor Atty. Christian Natividad ang paglalansag sa mga Juvenile Gang na sangkot sa mga gulo sa paaralan at simbahan.
Ang grupong ito rin ang nasa likod ng nakawan, holdapan bukod pa sa paggamit ng ipinagbabawal na droga. THONY ARCENAL