UMABOT sa P200 milyong halaga ng pekeng sigarilyo at tax stamps ang nakumpiska ng Bureau of Customs sa isinagawang raid sa isang bodega sa Barangay Pambuan, Gapan City sa Nueva Ecija.
Ito ay makaraang iprisinta kahapon ni Custom Commissioner Isidro La Peña ang mga nasabat na pekeng sigarilyo at cigarette making machine na kasamang nadakip ang may labing pitong Chinese nationals, kabilang ang isang babae na naaktuhang gumagawa ng mga pekeng sigarilyo.
Ayon kay Gapan City Mayor Emerson Pascual, hindi nila alam na may ilegal na gawain sa loob ng compound dahil malayo ito sa mga bahay at may mataas na bakuran.
Nahirapan din ang BOC na kumpirmahin ang ilegal na operasyon dahil madaling araw kung ilabas ang mga pekeng sigarilyo na direktang dinadala sa Metro Manila at ilang probinsya.
Sa ulat ng BOC, bukod sa mga makina na ginagamit sa paggawa ng mga pinekeng iba’t ibang brand ng sigarilyo, nakumpiska rin ng raiding team ang tatlong kahon ng mga pekeng Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps.
Ayon kay Enforcement and Security Services Director Yogi Ruiz, tinatayang nasa P200 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang pekeng sigarilyo at tax documents.
Sinabi ni Lapeña, tatlong linggong isinailalim sa surveillance ang nasabing warehouse bago ang kanilang isinagawang raid.
Kaugnay nito, inaalam na rin ng BOC kung saan-saang pamilihan ibinabagsak ng mga suspek ang kanilang mga kontrabando.
Ang mga naarestong Chinese nationals ay kakasuhan ng paglabag sa Section 170 ng Republic Act No. 8293 o “An Act Prescribing The Intellectual Property Code And Establishing The Intellectual Property Office, Providing For Its Powers And Functions, And For Other Purposes.”