NAGLAAN ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng kabuuang P200 milyon para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Roberto Romero, hepe ng Malabon City Health department na sa nasabing halaga ay maaaring makabili ng bakuna para sa 30 % ng 366,000 populasyon ng lungsod o tinatayang 90,000 residente.
Sinabi ni Mayor Antolin Oreta, bibigyang prayoridad ang mga health worker, mga naghahanapbuhay sa labas ng lungsod, senior citizens at mga indibidwal na may karamdaman o immunecompromised sa pagbabakuna.
Anang alkalde, handa ang mga doktor ng Malabon sa gawaing klinikal alinsunod sa mga panuntunan at kautusan ng Kagawaran ng Kalusugan at iba pang pambansang ahensiya.
Kasama ang pambansang pamahalaan ay poprotektahan umano ng pamahalaang lungsod ang nasasakupan laban sa lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapabakuna. VICK TANES
Comments are closed.