CEBU- NASAMSAM ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pekeng gamit na may tatak ng luxury brand sa ilang stalls sa loob ng isang mall sa Mandaue City nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 17.
Sinalakay ng mga operatiba ng Intellectual Property Rights Division ng National Bureau of Investigation (IPRD-NBI)-Manila ang 33 stalls at nasamsam ang mga pekeng gamit na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P200 milyon.
Kabilang sa mga nasamsam ay mga pekeng Louis Vuitton bag, sinturon, sapatos, at wallet.
Ayon sa pahayag ni John Ignacio, team leader ng IPRD-NBI Manila, na nag-ugat ang sunod-sunod na raid sa reklamo ng LV, kung saan nagreklamo ang mga pekeng produkto gamit ang tatak nito na ibinebenta sa iba’t ibang tindahan sa Cebu.
Sinabi ni Ignacio na umaabot sa 33 search warrant na inisyu ng isang Regional Trial Court (RTC) sa Maynila ang ginamit sa raid.
Aniya, ang pagkakatuklas ng mga pekeng LV items na ibinebenta sa Cebu ay dumating sa isang market survey na isinagawa ng kumpanya.
Matapos matanggap ang reklamo, nagsagawa ng surveillance at test buy hanggang sa isinagawa ang raid, ani Ignacio.
Sinabi ni Ignacio na ang mga tunay na produkto ng LV ay mabibili lamang sa dalawang tindahan sa Maynila at isa pa sa isang marangyang hotel sa South Road Properties dito.
Wala ang mga may-ari ng mga tindahang sinalakay sa operasyon.
Sinabi ng NBI-IPRD na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga may-ari ng tindahan para sa paglabag sa trademark at hindi patas na kompetisyon.
EVELYN GARCIA