P200-M SMUGGLED FROZEN MEAT, AGRI PRODUCTS MULA CHINA SINUNOG NA

SINUNOG na noong Lunes, Oktubre 7, ang milyon-milyong halaga ng ipinuslit na assorted frozen meat products at iba pang agricultural products na hinihinalang galing China na nasamsam sa isang malaking warehouse sa Marilao, Bulacan noong Setyembre.

Ipinasara na rin ang cold storage facility kung saan nakita ang sari-saring karne at agricultural products na walang dokumento. Matatandaang P200 milyong halaga ng smuggled na karne ng baboy, baka, ibon, lamb, pati mga isda tulad ng pompano, salmon, mga hipon, pusit, exotic products, at palaka, French fries, bawang at sibuyas ang nasabat sa mga cold storage facilities sa Marilao, Bulacan na 2021 pa umano nag-o-operate.

Ayon sa mga awtoridad, delikado ang mga karne dahil mayroong bird flu, lalo na ang peking ducks na ipinagbabawal sa bansa dahil sa sakit na ito. Hinala ng mga awtoridad, ibinebenta ang naturang mga produkto online.

Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Cybercrime Division at Department of Agriculture (DA)-National Meat Inspection Service (NMIS) sa bisa ng search warrant ang isang malaking warehouse na may tatlong cold storage facilities sa 3M compound, Santa Rosa II, Marilao, Bulacan noong Setyembre.

Pinangunahan ni NBI Director Jaime Santiago ang inspeksiyon sa loob ng CS Cold Storage and Processing Plant Corporation, na ang lisensiya umano ay dapat tagagawa lamang ng yelo.

“Puwede pong may sakit na dala lalo na sa poultry products na bird flu na tinatawag. So, tatamaan at tatamaan, puwedeng tamaan ang tao,” sabi ni Dr. Jude Padadas, Senior Control Officer ng DA-NMIS.

Malaki rin, aniya, ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa mga ipinupuslit na illegal products sa bansa. Tinatayang P120 milyon ang buwis na nalulugi sa gobyerno.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act ang isang Pilipino at isang Chinese na incorporators umano ng sinalakay na storage facilities.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia