P200 SUBSIDY SA MINIMUM WAGE EARNERS

DOLE

POSIBLENG magtaas na naman ng buwis sakaling maaprubahan ang mungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE ) na pagkakaloob ng P200 monthly subsidy sa may 4.1-milyong minimum wage earners sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang mungkahing ito ni Secretary Silvestre Bello III ay nangangailangan pa ng mas masusing pag-susuri at pag-aaral.

“Anything is possible but of course it has to be discussed and examined. Kasi, siyempre, nagtataas tayo ng buwis dahil may mga proyekto na paggagastusan pero kung magbibigay lang naman tayo ng benepisyo, ibig sabihin na naman niyan saan natin kukunin iyong ibibigay nating 200 pesos? So ibig sabihin tataas na naman iyong buwis. so kailangan balansehin po” sabi ni Roque.

Sa pakikipag-ugna­yan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of  Finance (DOF), sinabi ni Bello na balak nilang magkaloob ng P200 kada buwan na subsidy sa mga minimum wage earners upang kayanin ng mga ito ang patuloy na pagtaas sa pres­yo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Bello, ang naturang subsidy ay posibleng tustusan hanggang sa taong 2020 at mapopondohan naman din sa mga susunod na mga taon.

Naniniwala si Roque na ang mungkahing ito ni Bello ay marapat ding talakayin sa economic team ng pamahalaan.

“We will await the recommendation on the proposal,” giit ni Roque.

Umani ng batikos mula sa ilang sektor at isinisisi  ang implementasyon noong  nakaraang Enero ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa  patuloy na pagtaas ng inflation sa bansa.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.