P200 WAGE HIKE KADA BUWAN, INSULTO

Anakpawis Partylist Rep Ariel Casilao

TINAWAG  na  insulto ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao ang panukala ng Department of Labor and Employment na dagdag na P200 kada buwan sa suweldo ng mga manggagawa.

Ayon kay Casilao, malaking insulto ito sa mga mang­gagawa na nagpapakahirap at nagkakanda-kuba sa pagtatrabaho kumita lamang ng sapat para sa pamilya.

Maituturing din na limos ang panukalang P200 na dagdag sa buwanang sahod ng mga manggagawa dahil papatak lamang ng P7 kada araw ang nasabing umento.

Aniya, walang katuturan ito dahil hindi rin makatutulong sa arawang gastos ng isang mahirap na pamilya ang kakapiranggot na dagdag sa suweldo.

Sa pagtataya ng  Ibon Foundation, simula dapat noong March 2018 ang family living wage para sa pamilya na may anim na miyembro ay nasa P1,168 na malayo sa kasalukuyang P512 na minimum wage sa Metro Manila.

Dahil dito, hinimok ni Casilao ang mga manggagawa na tanggihan ang sinasabing ‘non-sense’ na P200 na dagdag sa sa-hod kada buwan at igiit ang P750 kada araw na national minimum wage para sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.    CONDE BATAC

Comments are closed.