QUEZON- NAG-ALOK ng P200K reward ang lokal na pamahalaan ng lalawigan at Sangguniang Bayan ng Sariaya para sa sinuman makapagtuturo sa bumaril sa chairman ng Barangay Guis-Guis, San Roque ng bayang ito.
Base sa natanggap na ulat ni BGen. Carlito Gaces, Calabarzon police director mula kay Col. Ledon Monte, Quezon Police chief, naglaan ng reward ang LGU ng Sariaya sa agarang pagdakip sa suspek na si Marvin Fajarda Flores, 26-anyos, residente ng Barangay Bignay 2 na siya umanong responsable sa nasabing krimen.
Si Flores, ayon kay Col. Monte ang bumaril kay Chairman Benedicto Alcalde Robo habang pinipigilan umano ng biktima ang suspek sa ginagawa nitong panggugulo sa isang liga ng basketball sa naturang barangay.
Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, pinipigilan umano ng biktima si Flores sa pangggugulo nito sa mga naglalaro ng basketball subalit minasama umano ito ng suspek at doon na umano nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
Ilang saglit pa, naglabas umano ng baril ang suspek at malapitan pinagbabaril ang biktima.
Agad na tumakas si Flores matapos ang krimen samantalang dead on arrival naman sa hospital si Robo.
Nilinaw naman ni Monte na walang kaugnayan sa darating na barangay at SK eleksiyon ang nangyaring krimen.
Nanawagan din ang pulisya sa mga residente ng Sariaya at mga karatig bayan sa Quezon na magbigay ng impormasyon sa himpilan ng pulisya kung sakaling malaman ang pinagtataguan ni Flores.
ARMAN CAMBE/BONG RIVERA