P200M INILAAN NG PQUE PARA SA COVID-19 VACCINES

Edwin Olivarez

INAPRUBAHAN na ng Parañaque City Council ang pagpapalabas ng P200 milyong pondo para sa   pagbili ng vaccines laban sa COVID-19 sakaling dumating na ito sa bansa.

Ito ang inanunsiyo ni  Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez sa ginanap awarding ceremony ng top business taxpayers na masugid na nagbabayad ng kanilang obligasyon sa buwis.

Sinabi ni Olivarez, sa huling pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) nito nakaraang Linggo, napag-usapan  ang pag-testing sa bakuna na nasa ikatlong yugto na ng clinical trials at naghihintay na lamang ng pinal na pag-apruba ng Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO).

Kasabay nito, inihayag na rin ni Olivarez na ang lungsod ay 97% free na sa naturang virus at ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay patuloy na bumababa na sa kasalukuyan ay nasa  87 na lamang.

Sa kanyang talumpati sa naturang awarding ceremony kahapon (Nobyembre 9), pinasalamatan ni Olivarez ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ni Atty. Melanie Malaya dahil sa pagsasagawa nito  ng iba’t-ibang uri ng pamamaraan para sa koleksiyon ng business tax ng hindi na kailangan pang magpunta ng mga taxpayer sa City hall. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.