PAGSUSUMIKAPAN ng pamahalaan na gawing P20,000 ang matatanggap na fuel subsidy ng mga jeepney driver bilang ayuda sa Pantawid Pasada Program.
Ito ang nabatid kay Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na aniya’y bagamat hindi pa naman ito pinal sapagkat depende sa maaaprobahang budget ng Kongreso.
Sa kasalukuyan ay aabot sa halos isang bilyong piso ang inilaang ayuda ng gobyerno para sa may 179,000 jeepney drivers at operators sa buong bansa na tatanggap ng P5,000 fuel subsidy sa ilalim ng programa.
Ayon kay Delgra, naglagay na ng mga safety feature ang Land Bank of the Philippines (LBP) para matiyak na hindi magagamit sa ibang bagay ang P5,000 ayuda dahil exclusive lamang ito sa gas allocation.
Sinabi ni Delgra na sa sandaling ginamit ang fuel card sa pagwi-withdraw o pagbili ng ibang bagay maliban sa fuel ay awtomatikong magmamarka sa Land Bank at posibleng ma-blacklist at hindi na muling mabigyan ng alokasyon sa ilalim ng programa ang driver o operator.
Sinimulan na ng LTFRB ang distribusyon ng fuel cards noong Martes Agosto 28 sa siyam na rehiyon sa bansa at sa lima pang rehiyon sa susunod na dalawang linggo at inaasahang maipamamahagi sa buong bansa sa katapusan ng Setyembre ng taong kasalukuyan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.