ASAHAN na ang dagdag na pensiyon sa 2020 kasunod ng pagtaas sa 29% ng budget ng gratuity program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa kanyang pagharap sa 2020 budget hearing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na P11.93 billion ang idinagdag sa kabuuang budget ng 2020 retirees pension and benefits na nasa P69.7 billion para sa susunod na taon.
Salig ito sa implementasyon ng pinirmahang batas para sa dagdag na pensiyon ng mga unipormadong tauhan ng Hukbong Sandatahan.
Gayundin ay tumaas sa 6% ang pensiyon ng mga beterano ng World War II kaya asahan ang pagtaas nito sa P20,000 kada buwan mula sa kasalukuyang P5,000.
Tumaas din sa 1.3% o P2.3 billion ang pondo ang DND para sa 2020 na nasa P258. 35 billion.
Sa ilalim ng proposed budget ng DND, P119.2 billion dito ay para sa Personnel Services, P40.7 billion saMaintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at P28.80 billion ay para sa Capital Outlay.
Inaasahan na mabebenepisyuhan ng DND budget ang nasa 148,000 uniformed personnel, 12,000 civilian employees at 69,000 CAFGU. CONDE BATAC