P20K- P60K MINIMUM WAGE ISINUSULONG PARA SA MEDIA WORKERS

MEDIA WORKERS

INIHAIN ng mga kinatawan ng isang party-list group sa Kamara ang panukalang batas na magtatakda ng minimum wage rates para sa mga miyembro ng media.

Sa House Bill 2476 na inakda nina  ACT-CIS party-list Reps. Niña Taduran, Jocelyn Tulfo at Eric Yap, iaakma sa bilang ng taon sa industriya ang dapat na  matanggap na sahod ng media workers.

Layunin ng naturang panukala na mabigyan ang mga miyembro ng media ng ‘comprehensive benefits package’ na tinatamasa ng iba pang empleyado sa go­vernment at private sector.

Ipinanukala sa bill ang minimum wage na mula P20,000, para sa mga posisyong tulad ng sa first-year video editor, hanggang P60,000, para sa  ten-year field reporter, video editor o art director.

Itinatakda ang P40,000 na buwanang sahod ng mga field reporter kapag tatlong taon na silang nagtatrabaho sa media at tataas pa sa P60,000 kapag 10 taon na ang work experience.

Samantala, ang mga kolumnista at writer ay tatanggap naman ng P25,000 hanggang P45,000 depende sa haba ng work experience habang ang iba’t ibang media personnel tulad ng production assistant, audioman, cameraman, at copy editor ay hindi lalagpas sa P40,000 ang maximum na suweldo.

Tanging sa mga nagtatrabaho sa Metro Manila ipatutupad ang salary standards.

“The least we can do to show that we recognize the invaluable contribution of media workers to society is to give them their economic due and added protection under the law,” ayon sa mga kongresista.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob ng security of tenure sa mga nagtatrabaho sa media industry, gayundin ang insurance benefits.

Kapag ang isang media worker ay nasawi habang nasa trabaho, ang kanyang pamilya ay tatanggap ng P200,000. Ang disability benefit ay maaari ring magkahalaga ng hanggang P200,000.

Ang media workers ay papayagan ding mag-reimburse ng medical expenses na hindi hihigit sa P100,000, sakaling magtamo ng injuries habang nasa trabaho.

Sa ilalim ng HB 2476, pagkakaloob din ng cash incentives, scholarship grants, exchange programs, at awards ang media employees.

Magtatatag din ng Commission on Press Freedom and Media Security (CPFMS) na pamumunuan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at bubuuin ng journalism organizations. Papalitan ng CPFMS ang kasalukuyang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS).

Pagdating naman sa promosyon sa mga posisyon ay maaaring kumuha ng qualifying examinations ang media sa CPFMS at ito rin ang magsasagawa ng seminars, bubuo ng mga polisiya para sa proteksiyon at mag-a-update ng media workers database.   CONDE BATAC

Comments are closed.