P20K PENSION SA VETERANS

Defense Undersecretary Ernesto Carolina

UMAASA ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na maaaprubahan ang Senate Bill No. 1766, na naglalayong itaas ang buwanang pensiyon ng war veterans sa P20,000 mula sa kasalukuyang P5,000 bago mag-Pasko.

Ayon kay PVAO Administrator at Defense Undersecretary Ernesto Carolina, ang mas mataas na pensiyon ay magbibigay benepisyo sa surviving 6,000-plus World War II veterans.

“We anticipate na ma-approve ito before mag-Pasko. Napakagandang pamasko nito para sa ating mga beterano,” pahayag ni Carolina sa sidelines ng paggunita sa pagsuko ng Japanese Imperial Army, 73 taon na ang nakalilipas noong Set. 3, 1945.

“It passed the House (of Representatives) already. Senate Bill 1766 has been approved by the committee. We are just waiting for its approval when it is discussed in the plenary.”

Sinabi ni Carolina na nagbigay na ng ‘go signal’ ang Department of Budget and Management (DBM) para sa P880-million budget na kinakailangan para pondohan ang dagdag-pensiyon.

Aniya, kailangan nang maaprubahan sa lalong madaling panahon ang panukala dahil ang mga may edad nang war veterans na matapang na nakipaglaban para sa bansa ay isa-isa nang namamatay.

Sa mahigit 350,000 sundalo sa World War II, may 6,000 veterans na lamang sa buong bansa ang nabubuhay. Ang kanilang average age ay 92, kung saan 107-anyos ang pinakamatanda.

“There is an average of 300 World War II veterans passing away every day,” dagdag pa ng retired military leader.

“We are estimating that in five years’ time, wala nang matitira sa kanila. Kaya inaapura natin na maibigay lahat ‘yung mga benepisyo nila. We hope ma-approve ng Presidente ‘yan bago magtapos ang taon para sa World War II veterans.”

Ayon kay Carolina, dahil sa nababawasang bilang ng war veterans sanhi ng katandaan, mas binibigyang prayoridad ngayon ng PVAO ang pension hike ng mga beterano kaysa sa retirees ng Armed Forces of the Philippines (AFP).     PNA

Comments are closed.