P21.6-M SHABU INABANDONA SA NAIA

MAHIGIT sa tatlong kilo ng shabu ang natagpuan ng isang construction worker sa loob ng dating spa o massage parlor sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ang spa ay nasa loob ng dating Club of Manila na matatagpuan sa ika-apat na palapag sa departure area ng NAIA Terminal 1.

Ayon sa impormasyon, ang illegal drugs ay nasa 3.18 kilos na tinatayang aabot sa P21.624 milyon ang halaga.

At natagpuan ang 3 packs ng shabu sa loob ng lumang locker kung saan itinago sa loob ng plastic container at pinatungan ng mga kakanin upang hindi maamoy ng mga K9 snipping dog ng pamahalaan.

Hinihinala ng mga awtoridad sa NAIA na maaaring ipinasok ang droga ng isang transit passenger at nag-check-in sa naturang spa.

Maaaring natakot ang maydala kung kayat minabuti na i-abandona upang makaiwas sa pananagutan sa batas.

Napag-alaman na nangyari ito sa kasagsagan ng pandemya at dahil sa mahigpit na proseso sa mga paliparan iniwan na lamang kaysa magkaroon ng problema kapag nahuli ng mga awtoridad.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa foreman ng construction company kung papaano nila natagpuan ang mga droga. FROILAN MORALLOS