P21-M PUSLIT NA SIGARILYO NASAMSAM SA 16 SMUGGLERS

SARANGANI-NASAKOTE ng mga awtoridad ang 16 na smugglers kasabay ng pagkakasamsam ng P21 milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo sa Glan sa lalalwigang ito.

Ayon kay Brig Gen. Percival Placer, director ng Police Regional Police Office (PRO)-12 na natuklasan ang mga puslit na sigarilyo habang ibinababa sa isang fishing boat mula sa Banguingui, Sulu sa Barangay Batulaki.

Dagdag pa ni Placer, ang 1,000 master cases ng R and B cigarettes na may estimated value na P21 milyon ay nakatakdang dalhin sa Digos City, Davao del Sur.

Naharang ito matapos makipag-ugnayan ng Philippine Navy (PN) sa mga pulis kasunod ng intelligence information na ibababa ng mga suspek sakay ng FB Blady Weeya mula Sulu ang mga puslit na sigrailyo sa Glan bago dalhin sa Digos City.

Dinala na ang smuggled items sa Bureau of Customs habang nakapiit naman ang mga suspek sa Police Station 2 sa lungsod kasabay ng paghahanda ng kasong isasampa sa naturang mga suspek.
EVELYN GARCIA