P21-M SHABU NASAMSAM SA KARPINTERO

BOHOL-MAHIGIT sa P21 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang karpintero na itinuturing na isang high value target ng mga awtoridad matapos ang ikinasang anti-narcotics operation sa bayan ng Dauis sa lalawigang ito.

Sa ulat, nadakip sa buy bust operation nitong nakalipas na Linggo ang suspek na si Sherwin Trabero Aranas alias Winwin, 33-anyos, mula sa Purok 5, Barangay Mariveles ng nasabing munisipalidad .

Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang tatlong plastic bundle ng shabu na tumitimbang ng 3.225 kilos at may street value na aabot sa P21,930,000.

Sinasabing nagtatrabaho bilang karpintero si Aranas sa araw at nagde-deliver naman ng droga sa gabi sa munisipalidad ng Dauis at mga kalapit bayan sa Bohol.

Matapos na kumagat sa pain ng isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ay agad na pinalibutan ang suspek ng mga awtoridad bandang ala-1ng madaling araw sa Purok 8, Barangay Songculan.

Nakumpiska sa suspek ang isang P1,000 bill at 59 pieces ng fake P1,000 bills na ginamit na buy bust money.

Nakaditine si Aranas sa detention facility ng Dauis Police Station habang ikinakasa ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban dito. VERLIN RUIZ