P214-M NAIPAMAHAGI NA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG EGAY

INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaabot na sa P214 milyon ang tulong na naipamahagi sa mga biktima na naapektuhan ng Super typhoon Egay at habagat.

Sa datos ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center ng DSWD, kabilang na ito ng mga tulong na naipamahagi ng Local Government Units na direkta sa kanilang mga residente.

Umabot naman sa 4,000 mga barangay sa buong bansa mula sa siyam na apektadong rehiyon ang nakinabang sa mahigit P200 milyon na ang ipinamahagi.

Matatandaan na una nang pinaalalahanan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang mga Regional Director na huwag patagalin ang pamamahagi ng relief packs sa mga biktima na sinalanta ng kalamidad.

Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit sampung libong katao pa ang nananatili sa mga evacuation center sa buong bansa dahil pa rin sa nasabing bagyo kasama na ang walang tigil na pagbuhos ng -ulan dulot ng hanging Habagat.
EVELYN GARCIA