P22.5-M MARIJUANA NAKUMPISKA SA 4 TULAK

NAKUMPISKAHAN ng humigit kumulang sa P22.5 milyong halaga ng marijuana ang apat na tulak ng magkasanib na puwersa ng Pasig PNP at PNP-Drug Enforcement Group sa nasabing lungsod.

Kinilala ni BGen. Randy Peralta, PDEG Director ang mga naaresto na sina Mivier Miranda Jr, 35-anyos; Jeffrey Tavas, 37-anyos, kapwa residente ng Soldiers Village, Brgy., Sta Lucia Pasig; Abdel Badio, 26-anyos ng E. Ferrer Compound, Urbano Velasco Avenue at Dante Garbida, 29-anyos ng Everlasting St., Brgy., San Andres, Cainta Rizal.

Nabatid na dakong 6:15 ng hapon nang ikasa ng magkasanib na puwersa ng PNP-Drug Enforcement Group, Special Operation Unit at Pasig PNP ang drug operation sa #250 East Bank Road, Soldiers Village, Brgy., Sta Lucia sa lungsod.

Nakumpiska sa apat na suspek ang 15 kilo ng Cannabis Saliva o Marijuana na nagkakahalaga ng P22, 500,000.00, isang Smart phone, buybust money, mga ID at marijuana tube.

Nauna rito, sinalakay ng mga operatiba sa pangunguna nina ni Lt. Col. Antonio Gutierrez, Lt. Genaro Cuanan lll ng PNP-DEG SOU at Lt. Col. Eugene Orate ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig PNP ang drugs operation laban sa mga nadakip sa tahanan ng suspek na si Miranda.

Nakakulong ngayon ang mga suspek na sinampahan na ng kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002. ELMA MORALES