P228-M SMUGGLED SUGAR NASABAT NG BOC

UMAABOT sa P228 milyong halaga ng smuggled sugar na lulan ng 76 container van ang nasabat ng Bureau of Customs-Manila International Container Port kahapon ng umaga.

Nabatid sa ulat na ang mga container van na naglalaman ng 1,906 metric tons ng cane refined sugar mula sa Thailand ay dumating sa MICP nitong Setyembre 24.

Base sa impormasyon na ang consignee ay fictitious at ang importation ay walang import clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kaya nitong Oktubre 4 ay nag-isyu ng Alert Order ang MICP Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) laban sa nasabing shipment.

Lumilitaw sa ulat ng CIIS, ang request para sa amendment ng manifest ng smuggled sugar ay natanggap nito lamang Oktubre 10 kung saan tinangkang ayusin ang depekto ng consignee na papalabasing nagsumite na ang inward foreign manifest na isang fictitious company sa bansa.

Napag-alamang walang detalyadong address at contacts sa dokumento na isinumite para sa request na amyendahan ang consignee.

Nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC laban sa nasabing shipment dahil sa kakulangan ng Clearance for the Release ng Imported sugar na inisyu ng SRA kung saan lumabag ito sa Section 117 at 1113 ng RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Ang nasabing operasyon laban sa imported sugar ay bahagi ng kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mapigilan ang anumang uri ng smuggling at iba pang customs fraud sa bansa. MHAR BASCO