MAHIGIT sa P23 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na drug suspect kabilang ang isang itinuturing bilang High Value Individual (HVI) nang masakote sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Paul Jady Doles ang mga suspek na sina alyas “Abdul”, 41-anyos, (HVI) ng San Jose Del Monte, Bulacan; Alyas “Oding”, 40-anyos; alyas “Vics”, 33-anyos, at alyas “Tata”, 39-anyos, pawang residente ng Brgy. 188 ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director Col. Josefino Ligan, dakong alas-12:15 ng hatinggabi nang madakma ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Restie Mables sa King Faisal, Phase 12, Barangay 188.
Aniya, bago ang pagkakaaresto sa mga suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang SDEU hinggil sa pagputok umano ng pangalan ni alyas Abdul na malakihan umanong nagbebenta ng shabu kaya isinailalim nila ito sa monitoring.
Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek nang bentahan ng P26,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 3,420 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P23,256,000.00, buy bust money na isang genuine P1,000 at 25-pirasong P1,000 boodle money, bag pack at P1,250 recovered money.
Sasampahan ng pulisya ng mga kasong paglabag sa Section 5 (selling), 11 (possession) at 26 (conspiracy) sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
EVELYN GARCIA