NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P23 bilyon sa panukalang 2019 budget upang matustusan ang Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPISC).
Tinatayang aabot sa 3,796,791 indigent senior citizens ang makikinabang sa naturang programa para sa susunod na taon.
Mas mataas ito ng 20 porsiyento kumpara sa pondo sa taong kasalukuyan na aabot lamang sa P19 bilyon.
Sa ilalim ng SPISC ay may karagdagang ayuda ang pamahalaan na P500 kada buwan para sa pang-araw-araw na gastusin at medical needs ng indigent senior citizens na bahagi rin ng Republic Act 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010).
Ang naturang programa ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng 18 field offices, sa pakikipagtulungan sa local government units (LGUs) na sila namang magsusumite ng listahan ng indigent senior citizens sa DSWD field office base naman sa pagpapatunay ng City/Municipal Social Welfare Development Office.
Ang mga kuwalipikadong senior citizen na saklaw ng programa ay ang mga sumusunod: (1) 60 years old and above, (2) hindi tumatanggap ng pension mula sa SSS o GSIS, etc., (3) walang tulong na natatanggap mula sa mga kaanak upang suportahan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, at/o (4) mahina, sakitin o/at may kapansanan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.