P232-M NIYOG TINANGKANG IPUSLIT, NADISKARIL

NASA P232 milyong halaga ng mga niyog na muntik maipuslit patungo sa China ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Cebu.

Sa ulat ng BOC, idineklara sa ‘export documents’ na mga basurang papel ang laman ng 42 container vans na patungong China.

Gayunman, dahil sa kaduda-dudang papeles, nagsagawa ang Enforcement and Security Service (ESS) ng spot check sa mga kargamento sa harap ng exporter agent.

Sa halip na mga papel, puno ang mga container vans ng mga niyog na kasama sa produktong agrikultural na ipinagbabawal na i-export sa ilalim ng batas.

Dito naglabas si District Collector Martin Mendoza ng Warrant of Seizure and Detention para sa pagkumpiska sa mga produkto sa bisa ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).