INARESTO ng mga operatiba ang isang Pinay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sa 4,574 gramo ng cocaine na itinago sa kanyang check-in luggage.
Kinilala ang suspek na si Rikki Joy Dagonano Gulmatico, residente ng Negros Occidental na dumating bandang ala- 5:49 nitong Huwebes ng hapon sakay ng Ethiopian flight ET 644 galing sa Sierra Leona,West Africa Addis Ababa.
Ayon kay Customs-NAIA assistant deputy collector for passengers services Mark Almase, nadiskubre ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Force ang kaduda-dudang imahe sa kargamento ni Gulmatico na siyang naging dahilan upang ipa-undergo ng non-intrusive inspection ng X-ray project personnel inspection.
Tumambad sa x-ray scanning sa bagahe ng Pinay courier ang white powdery substance.
At nang isailalim sa k9 inspection ay positibong naglalaman ang bagahe ng droga at kinumpirma ito ng mga tauhan ng PDEA na positibong cocaine ang puting pulbos na nakasilid sa dalawang bag.
Dahilan para kumpiskahin ng mga awtoridad ang cellular phones, travel documents, at identification cards ng babae na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 4 of Art. II of RA 9165, o Importation of Dangerous Drugs na may kaparusahang life imprisonment at multang aabot sa P500, 000 hanggang P10 milyon.
FROILAN MORALLOS