SIMULA ngayong Enero ay tataas na muli ang presyo ng alak at sigarilyo at e-cigarettes makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong batas na nagpapataw ng dagdag buwis sa mga nabanggit na produkto.
Layon ng Republic Act No. 11647 o ang Sin Tax Law na mabawasan ang paggamit ng alak at sigarilyo sa bansa at makalikom ng pondong gagamitin para sa Universal Health Care Law.
Sa ilalim ng bagong batas, tataas ang sin tax sa alak ng P35 hanggang P50 habang ang e cigarettes naman ay tataas ng mula P25.
Tinatayang aabot sa mahigit na P24 bilyon ang makukuhang buwis ng pamahalaan sa dagdag na sin tax sa alak at e cigarettes.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mayroong probisyon ng nabanggit na batas na vineto ni Pangulong Duterte partikular ang pag-oobliga sa mga internal revenue officer na kinuha muna ng court order bago sila payagang makapasok sa mga warehouse at lugar na pinag-iimbakan ng mga tobacco product.
Samantala, nagpahayag ng kasiyahan si Senate Committee on Ways and Means chairman Pia Cayetano sa paglalagda ni Pangulong Duterte sa Sin Tax Reform Law.
Ayon kay Cayetano, ang pagpapatupad ng Sin Tax Reform Law ay pagpapatunay lamang na seryoso ang Duterte administration sa kanilang mandato na proteksiyunan ang kalusugan ng mamamayan.
Bilang Chair ng nasabing komite, sinabi ni Cayetano na kanyang isinulong ang batas upang mapondohan ng sapat ang Universal Health Care para sa pagpapagamot sa mga may karamdaman at mabawasan ang magkakasakit dulot ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. VICKY CERVALES,ELYN QUIROZ