P2,400 AYUDA SA SENIORS

DSWD Acting Sec Virginia Orogo

MAY 700 senior citizens ang nakatanggap na ng P2,400 cash assistance sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer program ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng pag­papatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng P2,400 sa mga senior citizen sa San Fernando, Pampanga.

Ipinamahagi ng DSWD ang mga envelope na naglalaman ng cash sa mga benepisyaryo na nasa ilalim ng Social Pension program ng gobyerno para sa indigent senior citizens.

Ang P2,400 assistance ay para sa buong taon ng 2018, na sumasaklaw sa P200 kada buwan.

Aminado si DSWD Acting Sec. Virginia Orogo na  hindi ito mala­king halaga subalit umaasa siyang makatutulong ito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mahihirap na senior citizen.

Sa ulat ng ABS-CBN News, isa sa mga tumanggap ng P2,400 cash assistance ay ang 85-anyos na si Viriginia Capati, na nakatira sa kanyang apo.

Nagpapasalamat siya sa P200 subsidiya kada buwan subalit sinabing hindi ito sapat para sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

“Kulang ang P200, sa pamamalengke ko nga, ang P500 kinukulang,” wika ni Capati.

Ang cash assistance ay isa sa mandato ng TRAIN law, na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng bilihin na nakaapekto sa mahihirap na Filipino.

Inamin din nina House Committee on Ways and Means chairperson Rep. Dakila Cua at Department of Finance Asec. Tony Lambino, na kapuwa dumalo sa launching ng programa, na maaaring hindi sapat ang subsidiya dahil sa ilang salik tulad ng inflation, paghina ng piso laban sa dolyar at tumataas na ­presyo ng krudo.

Ipinaliwanag naman ng dalawa sa mga senior citizen na layunin ng tax reform law na makakolekta ng dagdag na buwis mula sa maya­yaman para sa kapakinabangan ng mahihirap.

“Nauunawaan natin ang problema ng ating mga kababayan. Marami pang factors kaya’t dun sa ating panawagan, tinitingnan kung paano palalawakin ang serbisyo pa ng pamahaalaan,” ani Cua.

Bukod sa tatlong milyong indigent senior citizens sa buong bansa na tatanggap ng ayuda dahil sa TRAIN law, may 4.4 milyong benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer program at 2.6 milyong mahihirap na pamilya sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction ang bahagi rin ng UCT program.

Comments are closed.