NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 14, 720 tablets ng ecstasy na tinatayang aabot sa P25 million ang halaga nitong Biyernes.
Kasabay sa pagkaaresto ng may-ari na si Joan Ioteia Reynoso, 42-anyos, naninirahan sa Cavite City, habang kini-claim nito ang kanyang package sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Pasay City.
Ayon sa pahayag ni Customs Commissioner Isidro S. Lapeña, nadiskubre ng kanyang mga tauhan sa CMEC na itinago ang nasabing illegal drugs sa loob ng Central Processing Unit (CPU) ng isang desktop computer upang makalusot sa awtoridad.
Napag-alaman pa na dumating ang sinasabing mga ecstacy sa CMEC nitong Agosto 4 at ayon sa impormasyon na nakarating sa pamunuan ng BOC, ang naturang droga ay galing pa sa bansang France.
Agad naman na inilipat si Reynoso at mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Capital Region (NCR) na pinamumuan ni PDEA-NCR Director Joel Plaza para sumailalim ng legal proceedings.
Samantala, sinabi naman ni NAIA Customs District Collector Mimel Talusan, ang pagkahuli nito ng mga droga ay resulta sa walang humpay na pakikipaglaban ng kanyang mga tauhan sa illegal drugs sa kanyang area of responsibility. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.