P256-M ROAD PROJECT SA KALINGA SUPORTADO NG DA-PRDP

KALINGA – MAKAKATANGGP ang lalawigang ito, na kilala sa mga de-kalidad na produkto ng kape, ng P256 milyong pondo para sa konstruksyon ng 12.5 kilometrong farm-to-market road.

Sa press release nitong Biyernes, sinabi ng Philippine Rural Development Project (PRDP) – Cordillera na direktang mag-uugnay ang proyekto sa mga barangay ng Pinukpuk, Pakawit at Bayaw sa national road patungo sa sentrong pamilihan sa Pinukpuk at Tabuk City.

Ang kalsada ay magdudugtong din sa mga komunidad sa isa pang pambansang daan na papunta sa Tuao, Cagayan.

Nagsimula ang proyekto sa Pakawit, at Pinukpuk sa Kalinga noong Huwebes.

“The project is under the Department of Agriculture (DA) – PRDP Scale-Up project, which is an internationally funded project in support of the goal to boost agricultural commodity production and eventually improve farmers’ lives” ayon kay Danilo Daguio, Technical Director for Operations ng DA-Cordillera at pinuno ng PRDP program sa rehiyon.

Ito na ang ikaanim na sub-project ng impraestruktura sa Kalinga na inaprubahan sa ilalim ng DA-PRDP at inaasahang matatapos sa Setyembre 2026.

Ang Kalinga ay nakapagpatupad na ng P1.40 bilyong halaga ng mga proyekto sa infrastructure at P21.30 milyong  mga proyekto sa negosyo mula nang simulan ng PRDP ang pagsuporta sa kape, saging at heirloom rice bukod sa iba pang mga produkto simula noong 2014.

RUBEN FUENTES