P26.9B PARA SA SALARY DIFFERENTIALS NG TEACHERS ILALABAS NA

SINIMULAN na ng Department of Education (DepEd) ang pagpoproseso ng salary increase  differential  para sa mga guro sa pampublikong paaralan at non-teaching personnel para sa Fiscal Year 2024, alinsunod sa mga alituntuning itinakda sa Executive Order 64 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr .

Inihayag ni Education Secretary Sonny Angara na ang DepEd ay nakatanggap ng pag-apruba mula sa Department of Budget and Management (DBM) para ituloy ang pamamahagi ng humigit-kumulang P26.9 bilyon na salary differential para sa mga kwalipikadong empleyado.

Kinumpirma ng DBM na may ilalabas na pondo.  “In fact, inutusan ang DepEd na gamitin ang anumang available na pondo para isulong ang pagbabayad nitong Php 26.9 billion salary differential para sa Fiscal Year 2024, na sumasaklaw sa mga plantilla positions ng DepEd,” paliwanag ni Secretary Angara sa komite ng Kamara sa  deliberasyon sa panukalang FY 2025 budget ng DepEd.

Kinumpirma ni Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na ang mga guro sa pampublikong paaralan at non-teaching staff ay asahan na matatanggap ang kanilang salary differential para sa panahon ng Enero hanggang Agosto 2024, simula sa Setyembre 2024.

Dagdag pa ni Usec Sevilla na noong Agosto 31, matagumpay nang nailabas ng DepEd Regions 1 (Ilocos Region), 3 (Central Luzon), at MIMAROPA ang kanilang Notice of Official Salary Adjustment (NOSA) at pinoproseso na ang pagbabayad ng mga salary differential sa kanilang mga empleyado.

Samantala, sini­mulan na ng Cordillera Administrative Region (CAR), Region 7 (Central Visayas), Region 10 (Northern Mindanao), at Region 11 (Davao Region) ang partial release ng kanilang NOSA.

Elma Morales