P26-B LOAN PARA SA ‘OMPONG’ REHAB, IPINALABAS NG WORLD BANK

WORLD BANK-2

IPINALABAS ng World Bank ang $496.25 million (P26 billion) na halaga ng loan para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong sa Northern Luzon noong nakaraang buwan.

Ayon sa World Bank, ang pondo ay kukunin sa contingent line of credit, ang Second Disaster Risk Management Development Policy Loan na may Catastrophe-Deferred Drawdown Option (Cat-DDO 2).

Tutulungan nito ang mga pamilya at komunidad na makabawi, muling itayo ang mga nawasak na maha-halagang imprastruktura tulad ng kalsada, tulay, eskuwelahan at ospital, at maibalik ang basic social services.

“Natural disasters can exacerbate poverty through loss of lives, livelihood, property and infrastructure, and can roll back years of development gains. They disproportionately disrupt the lives of poor and vulnerable people, particularly women, the elderly and children. We want them to know the Bank supports the country’s efforts to address their needs,” ayon sa World Bank.

Inaprubahan ng Board of Executive Directors ng World Bank noong Disyembre 22, 2015, ang Cat-DDO 2 ay nagkakaloob sa Filipinas ng kagyat na liquidity upang makarekober mula sa natural disaster.

Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary for Regional Development Adoracion Navarro na pinalawig din ang loan validity ng  CAT-DDO2.

Sa pahayag ng World Bank, ang CAT-DDO 2 ay ni-renew upang ma-extend ang availability ng contingent credit line hanggang Setyembre 30, 2021.

Ang drawdown period para sa Cat-DDO 2 ay tatlong taon at ­maaaring i-renew ng hanggang apat na beses para sa kabuuang 15 taon.

“It gives a government immediate access to funds after a major natural disaster, a time when available funds are often not adequate to meet the needs for reconstruction and recovery,” ayon sa World Bank.

Sinabi pa ng Washington-based lender na ang ibang Cat-DDOs na inaprubahan ay nasa Latin America at Ca­ribbean region, kabilang ang Colombia, Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Panama at Peru.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit sa 700,000 pamilya o halos tatlong milyong tao ang naapektuhan ng bagyo.

Sa pagtaya ng NDRRMC, ang direktang pinsala sa imprastruktura at agrikultura ay pumalo sa P33.6 billion o $623 million.

Comments are closed.