CAVITE – ISA na naman delivery driver ang nakumpiskahan ng P27.6 milyong halaga na shabu sa inilatag na anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng PDEA at iba pang law enforcement team sa bahagi ng Brgy. Alapan 2-B sa Imus City ng lalawigang ito kahapon.
Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Joseph Laureta ng Lancaster Residence 1 sa nasabing lungsod at dating delivery driver ng kilalang kompanya.
Sa inisyal na ulat, lumilitaw na isinailalim sa surveillance ang suspek kaugnay sa drug trade nito na may tatlong ulit nang nakapag-deliver ng milyong halaga ng shabu sa iba’t ibang lugar sa Cavite.
Napag-alamang umuupa lamang ng bahay sa nasabing lugar ang suspek sa loob ng 3 buwan kung saan may nakasabit na tarpaulin sa labas ng kanyang bahay na RTW for sale.
Ayon pa sa ulat, ikinasa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA 4A, Cavite PO, PDEA-RO-NCR, PDEA SES, AFP, Imus COS, Cavite PDEU at Imus DEU kaya nasakote ang suspek sa loob ng inuupahang bahay.
Nabatid din na inalok lamang sa suspek ng kanyang kaibigang delivery driver din na dalhin ang kotse sa nasabing lugar at iwanan na lamang kung saan binigyan siya ng P25K fee thru GCash.
Nang pasukin ng mga awtoridad ang bahay ng suspek ay nakapagtatakang walang anumang gamit tulad ng mesa, silya, aparador at iba pang kagamitan kaya posibleng front lang nito ang RTW for sale kapalit ang drug trade.
Nasamsam sa suspek ang 4 kilong shabu na may street value na P26.6 milyon habang isinailalim na sa chemical analysis ang droga na gagamiting ebidensiya sa kasong paglabag sa RA 9165.
MARIO BASCO