DAVAO- INIHAYAG ng Bureau of Customs (BOC) na nasa P27.6 milyon ang halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo ang nasabat nila sa lalawigang ito.
Ayon sa mga operatiba ng BOC, nagsagawa sila ng operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon na dadaan ang isang bangka sa gulf na may dalang umano’y smuggled na sigarilyo.
Kaya naman, sa tulong ng Naval Forces Eastern Mindanao, ikinasa ang isang operasyon ng BOC-Davao at kalaunan ay nakumpiska ang 717 master cases, na naglalaman ng 35,850 reams ng sigarilyo sa naturang bangka na tinantya ng BOC ang halaga ng mga nasabat na nasa P27,587,500.00.
Sinabi ng BOC na ang smuggling ay “isang matinding paglabag sa mga regulasyon sa customs at isang pag-iwas sa malaking buwis.”
Noong Nobyembre 7, naglabas ng warrant of seizure at detention si BOC District Collector Maritess Martin laban sa mga nasabat na sigarilyo at bangka.
Noong Setyembre, tinatayang nasa P55 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na sigarilyo din ang nakumpiska ng BOC-Port of Davao.
EVELYN GARCIA