IPINALABAS kahapon ng Department of Budget and Management (DBM) ang halagang P27.7 bilyon para sa health insurance premiums ng mga indigent families sa ilalim ng Bangsamoro Program, Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program, at point-of-service (POS) patients.
May kabuuang 11,539,617 ang beneficiaries na pinaglaanan ng P2,400.00 premium kada taon na kinabibilangan ng indigent families, Bangsamoro Program, PAMANA Program at POS Patients.
Kabilang sa mga itinuturing na indigent families ay ang mga walang sapat na pinagkakakitaan o ‘di kaya ay kumikita subalit hindi naman sumasapat sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya na idineklara ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction.
Samantala, ang POS patients ay ang mga non-Philhealth member na natukoy ng mga hospital at medical social worker na walang kakayanang magbayad ng kanilang mga gastusin sa ospital sa sandaling ma-admit sila na agad mabibigyan ng entitlement sa mga benepisyo ng PhilHealth.
Gayunpaman, ang saklaw ng Bangsamoro Program ay ang pamilya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) communities at ang kanilang mga decommissioned combatant, habang ang PAMANA Program ay sumasakop naman sa pamilya ng dating combatants tulad ng New People’s Army, Moro National Liberation Front, Revolutionary Proletarian Army, Cordillera People’s Liberation Army, at iba pang komunidad na apektado ng kaguluhan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.