PUMIRMA sa isang kasunduan ang Department of Trade and Industry (DTI), National Food Authority (NFA) at ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. (PAGASA) noong Setyembre 19 para makapagbigay ng mas maraming access points ng abot-kayang bigas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang kasunduan ay para payagang makabili ang mga konsyumer ng NFA rice sa halagang Php 27 kada kilo, mula sa partner supermarkets sa ilalim ng PAGASA. Ang mga NFA rice na mabibili sa supermarkets ay ipapakete at makabibili ang konsyumer ng hindi hihigit sa apat na kilo.
“Our goal is to increase the accessibility to NFA rice because this is very important. We want to flood the market with affordable rice and provide the people with more options to access the NFA rice,” pahayag ni DTI Secretary Ramon Lopez.
Ang kasunduan ay magbibigay sa PAGASA member supermarkets na kumuha ng NFA rice mula sa pinakamalapit na lugar at i-repack na lamang. May mga 160 PAGASA member supermarkets sa buong bansa, na puwedeng magbigay sa B, C, at D markets. Ilan sa kanilang miyembro ay ang Uni-wide Sales, RFC Supermart, Isetann Supermarket, Liana’s Supermart, at Welcome Supermart.
Plano ng DTI na palawakin ang inisyatibong ito at isama ang malalaking supermarkets sa bansa. Ayon pa sa Trade chief, makikipag-usap sila sa ibang retail associations upang kumuha ng kanilang suporta para magbenta at madagdagan ang access points para sa NFA rice.
Samantala, nagpahayag ng kanyang positibong pananaw si NFA Administrator Jason Aquino tungkol sa partnership.
“We have the same objective, to make rice affordable and accessible to the people. This will also complement the ongoing program of NFA, called Tagpuan, wherein we go to different communities to ensure that NFA rice will reach the intended beneficiaries,” sabi pa ni Aquino.
Naroon din sa pirmahan ng kasunduan sina PAGASA President Stephen Cua, DTI Undersecretary Ruth Castelo, at si NFA Deputy Administrator Judy Carol Dansal.