TUTULONG ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa programa ng gobyerno na palakasin at palawakin ang mga murang bigas sa merkado upang gumaan ang gastusin ng maralita at mas mailaan ang natitirang panggastos sa iba pang pangangailangan.
Ayon kay PCUP Chairman at CEO Alvin Feliciano, kasunod ito sa kautusan ng Malacañang sa National Food Authority (NFA) na paigtingin ang suplay ng NFA rice sa pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ani Feliciano, sa pamamagitan ng kanilang programa na, “NFA Tagpuan” ay nabibigyan ng sapat na access ang mga maralitang residente na maka-bili ng bigas sa mas murang halaga.
Ipinahayag nito na kabilang sa mga nakinabang sa proyekto ay ang mga residente o urban poor sa mga Relocation sites sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang bawat pamilya sa naturang komunidad ay pinayagang makabili ng hanggang sa tig-5 kilo ng NFA rice sa halagang P27 lamang kada kilo.
Ikinagalak ni Feliciano ang programang ito dahil isang malaking tinik sa mga maralita ang makabili ng bigas para sa pang-araw-araw at dahil sa NFA Tagpuan Project, mahigit 10,000 urban poor families ang nakinabang at naambunan ng murang bigas.
Ang pagsuporta sa proyektong ito ay bilang ambag aniya ng PCUP sa ‘ZeroHunger’ Program ng administrasyon ni Pangulong Duterte. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.