BULACAN-ISANG big-time drug pusher ang balik-selda matapos makalaya sa Bulacan Provincial Jail sa Malolos kamakailan makaraang muling magtulak at kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU)ng San Miguel Municipal Police Station(MPS) at makumpiskahan ng P272-K halaga ng shabu sa Barangay Partida, San Miguel nitong Biyernes ng gabi habang labing-dalawa pang drug suspects ang nakorner din sa isang gabing drug-bust sa lalawigang ito.
Base sa report na isinumite kay Col.Charlie Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP,nakilala ang nadakip na suspek na si Ronaldo De Guzman alias Bats ng Barangay Partida,San Miguel na muling nakadetine matapos masakote sa drug-bust na agad na ipinasailalim sa drug test sa Bulacan Provincial Laboratory Office sa Malolos at sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 sa Prosecutors Office sa Malolos City.
Nabatid na bandang alas-11:50 ng gabi nitong Biyernes nang magkasa ng buy-bust operation ang operatiba ng SDEU ng San Miguel police sa ilalim ng overall supervision ni Lt.Col.Jordan Santiago,Chief of Police ng San Miguel MPS sa Barangay Partida ng nasabing bayan at kanilang target ang suspek na si De Guzman ay nakipagtransaksyon sa undercover police kaya hindi na ito nakapalag nang tanggapin ang marked money.
Narekober sa suspek ang labing-isang pakete ng shabu na may kabuuang bigat na 40 gramo ng shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P272K bukod pa sa buy-bust money na agad inimbentaryo sa harap ng DOJ Representative na si Oliver Umpucan, media representative at Barangay Kagawad ng Barangay Partida,San Miguel.
Samantala, labing dalawa pang drug suspects ang nadakip ng SDEU at Bulacan Provincial Intelligence Unit(PIU) sa isang gabing anti-illegal drug operations nito ring Biyernes sa Malolos City,Bulakan,Guiginto,Balagtas,Bocaue,Bustos,Pulilan,Calumpit at San Jose del Monte City na nagresulta ng pagkakakumpiska ng kabuuang 41 pakete ng droga at buy-bust money.
MARIVIC RAGUDOS