(P279-B pondo ng DILG) ‘RESPONSABLE, MATALINO AT MAINGAT’ NA GAGAMITIN

NANGAKO ang Department of Interior and Local Government (DILG) na gamitin ang P279-bilyong badget para sa 2025 nang “Responsibly, judiciously, and prudently” bilang pagsuporta sa agenda ng administrasyong Marcos.

Malugod din tinanggap ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pag-apruba ng P6.32-trilyong pambansang badyet kung saan kabilang ang ahensiya na may pang-apat na pinakamataas na alokas­yon sa P279.1 bilyon.

“Ipinaabot namin ang aming pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang suporta sa ang aming mandato na pagyamanin ang kahusayan sa lokal na pamamahala, isulong ang kapayapaan at kaayusan, at pahusayin ang kaligtasan ng publiko para sa pagpapaunlad ng matatag at inklusibong komunidad,” ani Remulla sa isang pahayag nito kahapon.

“Tinitiyak namin sa Pangulo, Kongreso, at publiko ang aming pangako na gamitin ang aming badyet nang responsable, matalino, at maingat sa pagsuporta sa agenda ng administrasyon para sa kaunlaran sa pamamagitan ng pagtupad sa mga panga­ngailangan at adhikain ng mamamayang Pilipino,” dagdag nito.

Nabatid na ang Kagawaran ng Edukasyon ang pinakamalaking bahagi ng 2025 General Appropriations Act na may pondong nagkakahalaga ng P1.055 trilyon.

Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways na may P1.007 trilyon.

EVELYN GARCIA