P28.1-B BARANGAY DEVELOPMENT PROGRAM BUHAYIN SA 2022 BUDGET

UMAAPELA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Senado upang buhaying muli ang P28.1 bilyong Barangay Development Program para sa mga NPA-cleared barangays na ipinanukala ng National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa 2022 Budget.

“The Support to the Barangay Development Program (SBDP) is a game-changer in our battle to end Communist Terrorism in the country. Unti-unti nang nararamdaman ng mga naninirahan sa mga barangay na sakop ng SBDP ngayong taon ang tunay na kahulugan ng pagbabago at pagkalinga ng gobyerno na hindi nila naramdaman sa nakaraan dahil sa mga Komunistang Terorista,” ayon kay DILG Secretary Eduardo Año.

Ayon kay Año, mayroon na ngayong momentum sa laban kontra Communist terrorism at ang pagtapyas ng P28.1 bilyon ay maghahatid ng maling signal sa Local Government Units (LGUs) na umaasa sa mga naturang development projects sa susunod na taon.

“We must remember that the battle against the CTGs is not just a battle of arms, it’s also a battle for the hearts and minds of our people,” anang kalihim.
Sinegundahan naman ito ng LPP na sa kanilang 8th General Assembly ay ipinasa ang Resolution No. 2021-009 bilang suporta sa anti-insurgency program ng programa at hinikayat ang Senado na aprubahan ng buo ang panukalang Support to the Barangay Development Program sa 2022 General Appropriations Bill.

“The full and continued implementation of the BDP needs to be pursued in order to bring about and sustain progress and development in these identified conflict-affected barangays that urgently need government support and assistance,” ani LPP President at Marinduque Governor Presbiterio Velasco, Jr.

Idinagdag pa ng DILG Secretary na ang pagputol sa panukalang NTF-ELCAC budget sa susunod na taon ay magkakait sa mga naturang liblib na barangay sa development at magiging vulnerable silang muli sa CTGs.

“Mahigit 50 taon nang naghihirap at napag-iwanan ang ating mga kababayan na nakatira sa mga bulubundukin at malalayong lugar na dati ay pinamumugaran ng mga communist terrorist groups (CTGs). Nakikiusap po tayo sa ating mga Senador na huwag ipagkait ang pagkakataong maramdaman nila ang pagmamalasakit ng gobyerno at malasap ang tunay pagbabago,” dagdag pa ng opisyal ng DILG. EVELYN GARCIA