Pumirma ang mga opisyal ng Meralco at ng DOTr ng kasunduan para sa pagtatayo ng 115kV Switching Station sa Valenzuela City para sa Metro Manila Subway, ang unang underground railway ng bansa. Makikita sa larawan (mula sa kaliwa) sina Meralco Senior Vice President at Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz, Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista, at DOTr Undersecretary para sa Railways Jeremy S. Regino
Bilang bahagi ng pangakong suportahan ang pagpapaunlad ng pampublikong imprastraktura, maglalaan ang Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, ng P280 milyong pondo para masiguro ang tuluy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente para sa itinatayong Metro Manila Subway.
Pumirma ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) ng kasunduan para sa bagong Metro Manila Subway Project (MMSP) 115 kV switching station na itatayo sa Barangay Ugong, Valenzuela City.
Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng switching station sa 2026 at ikokonekta nito ang sistema ng subway sa distribution network ng Meralco.
“Ang mahalagang proyektong ito ay hindi uusad kung wala ang suporta at tulong ng Meralco. Ang kolaborasyon na ito ay nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa pagtutulungan ng pampubliko at pribadong mga sektor. Malaking benepisyo ang hatid ng proyektong ito para sa mga pasahero ng itatayong subway upang maging kumportable, abot-kaya, ligtas, at sustainable ang kanilang biyahe,” saad ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista.
Ang Metro Manila Subway ay isang underground railway line na babagtas sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City. Magiging 45 minuto na lamang ang haba ng biyahe sa pagitan ng dalawang lungsod mula isang oras at 10 minuto.
Tiniyak ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho (kanan) kay DOTr Secretary Jaime J. Bautista (kaliwa) na patuloy ang suporta ng Meralco sa pagpapabuti ng imprastraktura sa bansa.
“Magdudulot ng malaking pagbabago ang Metro Manila Subway sa pamumuhay sa sentro ng ekonomiya ng bansa. Nangangako ang Meralco na patuloy nitong susuportahan ang mga proyektong magpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng paghahatid ng tuluy-tuloy, maaasahan, at sustainable na suplay ng kuryente,” ani Aperocho.
Ang pagtatayo ng mga makabago at state-of-the-art na mga switching station ng Meralco ay may layong suportahan ang mga programa ng gobyerno para mapabuti ang lagay ng transportasyon at energy security sa bansa. Naaayon ang mga ito sa mga prayoridad ng administrasyon sa ilalim ng socio-economic agenda.