P29.5-M KUSH MARIJUANA NASABAT NG BOC, PDEA

UMAABOT sa P29,499,400.00 ang halaga ng Kush o high grade Marijuana ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tinangkang ipuslit sa Manila International Container Port (MICP) mula Thailand.

Sa report na ipinarating sa tanggapan ni Custom Commissioner Bienvenido Rubio, ipinag utos ni District Collector Carmelita M. Talusan na idaan sa X-ray examination at comprehensive 100% physical examination ang kahina-hinalang kargamento na idIneklarang mga gamit sa bahay at piyesa ng motor.

Pinaghinalaan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pamumuno ni Field Station Chief Alvin Enciso sa MICP at mga kinatawan ng PDEA na kontrabando ang laman ng parcel mula Thailand.

Sa physical examination ay tumambad sa mga awtoridad ang 21,071 gramo ng pinatuyong high grade marijuana or kush na may street value na umaabot sa PhP 29,499,400.00.

“This importation of marijuana or kush constitutes a violation of Republic Act No. 9165 also known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as well as Sections 119, 1400, and 1113 of the Customs Modernization and Tariff Act,” ani Rubio.

Patuloy ang ginagawang verification at investigation sa mga bagaheng kasabay na kuwestyunableng shipment kung may ikinukubli bang illicit substances o mga ipinagbabawal na bagay.
VERLIN RUIZ