BILANG bahagi ng solusyon para maibaba ang retail price ng bigas sa bansa, inilatag ng Department of Agriculture (DA) ang KADIWA Centers sa pamamagitan ng KADIWA Program sa Metro Manila.
Ayon sa DA, ang mga center na ito ay nag-aalok ng bigas sa halagang P29 kada kilo sa ilang lugar, kasama ang iba pang basic necessities and prime commodities (BNPCs) sa mas mababang halaga tulad ng isda, itlog, sibuyas, bawang, sariwang gulay, at prutas.
Ang P29 kada kilo ng bigas ay mabibili sa mga sumusunod na lokasyon: ADC Building ng Department of Agriculture – Central Office sa Quezon City; KADIWA Center sa loob ng Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; KADIWA Store – Llano Road sa Barangay 167, Caloocan City; KADIWA Store, AMVA Housing, La Mesa Street sa Barangay Ugong, Valenzuela City; at KADIWA Center, PhilFIDA Compound, Aria Street, Talon Dos, Las Piñas City.
Ayon sa DA, ang bawat kabahayan ay maaaring bumili ng hanggang limang kilo ng bigas mula sa KADIWA Centers, depende sa availability.
Magpapatuloy ang bentahan ng bigas sa P29 kada kilo dahil tinataya ng pamahalaan ang produksiyon ng mahigit 100 million kilos ng bigas sa Agosto ngayong taon sa pamamagitan ng contract farming agreement sa Farmers’ Cooperatives Associations (FCAs).
Sa kasalukuyan ay may kabuuang 265 regular KADIWA stores sa buong bansa at 119 KADIWA pop-up stores na nag-o-operate sa scheduled basis para matugunan ang demand ng mga consumer.
Ang KADIWA ay isa sa flagship programs ng administrasyong Marcos upang matugunan ang tumataas na presyo ng pagkain. Nagkakaloob din ito sa mga magsasaka, mangingisda, at micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng venues upang ibenta ang kanilang mga produkto.