P2B PARA SA DEPARTMENT OF WATER RESOURCES APRUB NA SA HOUSE PANEL

Albay Rep Joey Sarte Salceda

INAPRUBAHAN pansamantala ng House Committee on Appropriations ang P2-bilyong pondong laan para sa panukalang Department of Water Resources (DWR) na lilikhain ng National Water Act bill na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, senior vice chairman ng House Committee on Appropriations, ang National Water Act bill ay tugon sa malawakang hiling ng publiko para sa higit na maayos at mabisang serbisyo sa tubig. Paulit-ulit na rin itong binanggit ni Pangulong Duterte.

Layunin ng panukala na pagsama-samahin sa ilalim ng iisang bubong at isaayos ang hindi magkakatugmang mga panuntunan at sistema sa pamamahala sa tubig ng iba’t-ibang ahensiya tungo sa higit na mabisa at batay sa agham na pangangalaga at wastong paggamit nito. Layunin din ng bill na lumikha ng isang Water Regulatory Commission (WRC) sa ilalim ng DWR. Pinagsama-sama rito ang mga 30 panukala na ang dalawa — HB 2997 at HB 4944 – ay inakda ni Salceda na siya ring chairman ng House Ways and Means Committee.

Kasama sa panukalang taunang badyet ng DWR ang mga laang pondo para sa mga ahensiyang isasailalim dito. Inilalatag ng panukalang batas ang isang ‘Integrated Water Resource Management (IWRM) system’ bilang ‘basic framework’ o balangkas nito upang gawing madali ang paglapit ng publiko sa serbisyo ng tubig sa ilalim ng mga panuntunan na isinusulong at responsableng pakikipagtulungan ng lahat, pagbibigay prayoridad sa mga impraestrakturang gumagamit ng makabago at malikhaing mga lunas sa problema at mabisang mga sistema sa pagtugon sa mga hamon ng ‘climate change’ o pagbabago ng panahon, dagdag paliwanag ni Salceda.

Pinuna niya na ang “patuloy na pagsasapawan ng hindi magkakatugmang panuntunan at pangangasiwa sa tubig iba’t-ibang mga ahensiya ay humahadlang sa pagbuo ng maayos at mabisang lunas sa mga problemang kaugnay sa pag-aagawan, hindi patas na paggamit, at awayan sa tubig ng mga gumagamit nito, lalo na sa mga lugar na sadyang bawas na ang tubig.”

Ayon sa mambabatas, magiging pangunahing ahensiya ang DWR sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga wasto at makabuluhang mga sistema at programa sa tubig at paggamit nito, kasama na ang pag-aari, paggamit at proteksiyon sa mga tubigan sa bansa. Titiyakin din ng DWR ang maayos na paggamit ng tubig sa mga tahanan, industriya, kalinisan, pagbiyahe, irigasyon, paglikha ng koryente, pangingisda, ‘aquaculture’ at gamit pangkasiyahan. Ito rin ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng PD 1067 o “Water Code” at RA 9275 o “Clean Qater Act,” dagdag niya.

Ang Kalihim ng DWR ay magsisilbi ring chairman ng mga ‘governing boards’ ng lahat mg ahensiyang isasailalim nito gaya ng Local Water Utilities Administration (LWUA), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Irrigation Administration (NIA) at Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Ipinaliwanag din ni Salceda na magkakaroon  ng Water Pollution Adjudication Board na papalit sa National Pollution Control Commission na mangangasiwa sa pagresolba sa mga kaso kaugnay sa ‘water pollution,’ at ng National Water Sector Policy Board na siyang mag-aapruba sa National Water Resources Management Framework Plan. Ang Water Regulatory Commission naman ang mangangasiwa sa mga pang-ekonomiyang panunutunan at gawain ng MWSS, NWRB, LWUA, SBMA, PEZA, at TIEZA.

Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang magparehistro at may lisensiya ang lahat ng mga kompanyang nagbibigay ng serbisyo kaugnay sa tubig at sanitasyon. Layunin din nito ang lumikha ng Water Trust Fund na ang pondo ay gagamitin sa mga programang magsusulong at magpapanatili sa maayos sistema sa tubig.

Binigyang diin ni Salceda na lahat ay may karapatan sa tubig na pag-aari ng estado na siyang mangangasiwa para sa kapakinabangan ng publiko.

Comments are closed.