IPINATATAKDA ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa P2,000 ang halaga ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) o swab test.
Ito ay kasunod na rin ng pagsuporta ng kongresista sa plano ng Department of Health (DOH) na mag-atas ng single at common price para sa RT-PCR o swab test para sa mga hinihinalang may COVID-19.
Iginiit ni Castelo na gawing abot-kaya ang presyo ng swab test upang mahikayat ang mga mahihirap na makapagpa-test sakaling magpakita ng sintomas ng COVID-19.
Batay aniya sa impormasyong kanyang natanggap, ang presyo ng RT-PCR ay iba-iba kung saan sobrang taas ng presyong ipinapataw ng mga private hospitals.
Ang presyo ng swab test sa National Red Cross ay nasa P3,500 habang pumapalo naman hanggang P12,500 ang rate ng RT-PCR sa mga pribadong ospital kung saan ang resulta ay makukuha sa loob ng 24 oras.
Giit ng kongresista, kahit naman itakda sa P2,000 ang presyo ng swab test ay makakalikom pa rin naman ng kita dito ang mga pagamutan at mga laboratoryo dahil sa dami ng mga pasyenteng oobligahin na magpa-test.
Dagdag pa ng mambabatas, kung gagawing fixed at affordable ang rate ng swab test ay hindi na magkukumpulan ang mga pasyente sa iilang ospital na nagaalok ng mas mababang presyo ng RT-PCR. CONDE BATAC
Comments are closed.