P2P BUS SERVICE SA BULACAN-EDSA TRINOMA, UMARANGKADA NA

P2P BUS-5

NAGSIMULA nang  bumiyahe ang point-to-point (P2P) bus service na may rutang Pandi, Bulacan hanggang Trinoma sa Quezon City.

Ayon kay Jojo Fernandez, operations manager ng HM Transport Inc. layon nitong mapalawak ang kanilang serbisyo para sa mga commuter partikular sa mga nanggagaling ng Bulacan.

Napag-alamang ang unang bus ay umaalis mula sa Pandi, Bulacan galing Silang Bata Wet Market sa ganap na alas-6 ng umaga na babaybayin ang mga lugar ng Balagtas, Plaridel Bypass Road, patu­ngong Mindanao Ave. QC hanggang sa makarating ng EDSA Trinoma Mall.

Malaking tulong ang P2P dahil nabawasan ang  halos dalawang oras na biyahe ng mga pasahero  na  kinakailangan pang sumakay ng tatlong ulit mula sa tricycle, jeep at bus mula sa Sta. Maria patungong Metro Manila.

Sa ngayon ay umaabot na lamang ng hanggang isang oras at kalahati ang kanilang travel time.

Bilang panimula ay P100 ang pasahe kada pasahero ng naturang bus at inaasahang magiging P170 sa mga darating na panahon.

Ang naturang ruta ay kauna-unahan sa bahagi ng Pandi sa Bulacan.  Air conditioned ang P2P bus service na sinigurong mas kumportable sa mga mananakay. Mayroon din itong CCTV at GPS.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.