HINILING ng mga lider mula sa transport groups kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na muling pag-aralan bago ipatupad ang ipinalabas na Memorandum Circular No. 2019-025 na nag-aatas na ipatupad ang point-to-point o terminal-to-terminal policy sa mga UV Express.
Sa isang press conference sa Quezon City, inilabas ni Danny Mangahas, chairman ng Kongreso ng Mananakay ang mga saloobin ng mga drayber at opereytor partikular ang hinaing ng mga mananakay na direktang napeperhuwisyo sa ginawang hakbang ng LTFRB.
Aniya, malupit ang ginawang biglaan at wala man lamang ginawang konsultasyon ang pamunuan ng LTFRB sa hanay ng mga transport group na magkakaroon ng nasabing polisiya
Idinagdag pa nito na lubhang mahihirapan ang hanay ng persons with disabilities o PWDs at senior citizens sakaling tuluyang ipatupad ang naturang hakbang ng LTFRB.
Mariin namang kinondena ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang point-to-point policy ng LTFRB na aniya’y malaking perhuwisyo sa mga pasahero ang pagpapatupad ng polisiya.
Panawagan ni Inton na masusing busisiin ito ng LTFRB dahil maraming napeperhuwisyo hindi lamang mga drayber kundi ang mga komyuter sa pagtatanggal din ng 2 kilometer radius.
Idinagdag pa nito na dapat din tingnan ng LTFRB ang kapakanan ng mga mahihirapang mananakay sa pagpapairal ng naturang memorandum.
Kabilang pa sa mga grupong nagpahayag ng suporta laban sa nasabing polisiya ay ang grupong United UV Express Commuters Operators and Drivers Movement. BENEDICT ABAYGAR.JR.
Comments are closed.